Bagahe ang mga Pakete

Basura lang ang mga ito kung tutuusin. Mga balat ng kendi na may “Mahal kita!” o kaya ay “I miss you!” sa likuran, chichirya (gaya noong naubos namin isang malaking-malaking supot ng fish cracker sa Diliman), mamon at cheesecake at noodles at biscuits na binigay niya noong walang-wala akong makain, at ilang pakete ng mabangong shampoo na ginamit namin noong sabay kaming naliligo sa bahay nang iilang pagkakataong wala si mama. Basura lang ang mga ito kung tutuusin. Ngunit kung bakit ba kasi hanggang ngayon, nakasilid pa rin sila sa pinakainiingatang kahon sa aking damitan.

Bata pa lang ako, mahilig na akong magtago ng mga mumunting bagay na may hindi maipaliwanag na pansariling halaga. Gaya nang pamato ko sa teks at pogs na laging nagpapanalo sa akin tuwing kalaban sa Santulan sina Victor o Badoy. O kaya ay ang paboritong holen na may iba’t ibang disenyo sa loob o batik sa labas, silver o gintong tansan na minsan ay naipapakilo sa junk shop kapag walang perang panlaro sa piso-pisong aracade, paper doll na nagpakilala sa mga kapitbahay na ang anak ni mama ay tagilid, pakete ng chichirya na may mukha ng paboritong palabas sa telebisyon o kaya ay may mukha ng hinahangaang artista, at mga balat ng kendi na pinupulot kung saan-saan. Madalas, mga balat ng mamahaling tsokolate ang hinahanap namin ng aking mga kalaro na nagsisilbing pantaya kapag nauso na naman ang balat-kendi.

Laging ganoon, hihintayin mo kung ano ang uso. Laging may siklo. Sa ganitong buwan, uso ang teks na susundan ng pogs. Pagkatapos, piso-pisong paper doll, o kaya ay holen (na jolen/dyolen pa nga ang bigkas namin), o kaya ay tansan, goma, o kaya ay iyon nga, balat-kendi. Kapag nagsawa na ang buong sangkamusmusan, mapapalitan ito ng iba na namang mauuso. Uulit lang ang ikot. Kumbaga, isang siklo ng mga uso. Kaya, itatago mo ang mga sa tingin mo ay swerte upang kapag uso na namang muli ang itinagong mumunting bagay ay magagamit at muling makapaghahatid ng hindi maipaliwanag na galak. Pero tumatanda tayong lahat. Pumapanaw ang hilig sa pambatang uso. Hindi na naitatago ang mga mumunting bagay na dating nagpaindak sa musmos na puso. Nawala rin naman ang mga ito paglipas ng panahon.

Ibang-iba na ngayon. Hindi na ako bata at hindi na nahihilig sa mga larong tulad ng kinahiligan ko noong pagkabata. Wala nang tansan, paper doll, o balat-kendi. Naglaho na ito noong pangarapin kong tumanda. Wala na sanang rason kung bakit kailangan pang itago ang mga mumunting bagay na tulad nito. Ngunit, gaya nga ng sinabi ng isang hindi ko na matandaang pangalan ng isang palaisip na Pranses, lahat daw ng tumatanda ay bumabalik sa pagkabata. Sa kaso ko, napaagang masyado ang pagbalik ko sa pagkabata. Nagsimulang muli ang pagsisilid ng mga supot o paketeng ito noong pumasok na ako sa majorship class sa aming pamantasan.

Nakilala ko siya noong second year college ako. Bagaman sikat siya sa aming campus dahil maraming nagkakagusto sa kaniya, nakilala ko lamang siya nang maging mag-blockmate kami. Hindi ko talaga alam kung bakit noon ko lamang siya nakilala, o kung bakit noon ko lamang narinig ang kaniyang pangalan gayong sikat siya sa aming pamantasan. Ang alam ko, hindi siya ang tipo ko. Makailang-ulit kaming naging magkagrupo sa mga gawaing pangklase sa iba’t ibang asignatura. Hindi talaga siya ang tipo ko. Gayunman, kinatutuwaan ko siya nang palihim.

Una akong nakatanggap ng biscuit sa kaniya isang hapon matapos kaming mag-meeting para sa aming presentasyon sa isang paksang nakatakda naming talakayin sa klase. Gutom na gutom na ako noon at wala na talaga akong pera dahil sa dami ng gastusin. Walang malay akong nakatitig sa kaniya habang marahang nginunguya niya ang Cream-O nang ilang sandali ay dumukot siya sa kaniyang bag sabay abot sa akin ng isang pakete nito. Nagulat ako at nahiya kaya agad akong sumenyas na okay lang ako ngunit inilapag niya ang Cream-O sa aking mga kamay na noon ay nakapatong sa mesa ng aking upuan. Wala akong nagawa kundi tanggapin ito. Aba, biyaya ito ng langit! Wala akong nagawa sa matamis niyang pagngiti. Mukha siyang anghel. Hindi kaya? Sa huli, wala akong nagawa kundi isilid sa pagitan ng ilang pahina sa notebook ang balat ng Cream-O, ang unang paketeng basura lang kung tutuusin, ngunit sa hindi ko malamang dahilan, aking itinago’t isinilid, at hanggang ngayon, nasa akin pa rin.

Ilang lingo lang ang lumipas, kendi naman ang natanggap ko mula sa kaniya. Antok na antok ako noon sa isa naming klase sa panitikan. Hindi tulad noong una na nakatitig ako sa kaniya, sa pagkakataong ito ay nakatitig ako sa notebook ko, sa pagitan ng mga mismong pahina kung nasaan ang balat ng Cream-O. Biglang may bumato sa akin ng kendi. Pagtingin ko, nakadila siya. Sa isip-isip ko, tingnan mo ‘to, parang bata. Para akong bata na natutuwa sa munting kendi. Para akong tangang nakangiti dahil sa tuwa sa isang kending dapat nga ay ikainis ko dahil binato pa sa akin. Hindi iyon ang kendi na may nakasulat sa likod na maaaring makapagpalawak ng kurba sa mga labi ng makatatanggap nito pero, wala e, lubhang hindi masukat ang kurbang naidulot nito sa aking mga labi.

Hanggang sa ang dating hindi ko tipo ay inibig ko na. Ang dating walang dating sa akin ay naging hudyat ng aking pagbabanyuhay sa isang metapora ng makasaysayang pamumukadkad ko biilang isang bahagharing paketeng dating nakasilid lamang sa lumang kahon. Hanggang sa araw-araw na palitan ng ngiti ang mga salita. Hanggang sa palagiang sabay na pagkain sa kantina, sa pag-uwi, sa paggawa ng mga kahingiang pang-akademiko, sa paggising, sa pagligo, at sa pagsara ng talukap ng mga mata. Habang hinahagkan niya ang aking malamig na gabing nasisilawan ng paputok sa langit na nagbabadya ng pagluluwal hindi ng isang bagong taon kundi ng isang bagong tao ay sinisilaban ako ng mga bulalakaw niyang halik. Hanggang sa iba’t ibang pakete pa ang sabay naming binubuksan at isinisilid sa aking kahon sa damitan. Hanggang sa iba’t ibang pakete ng date, monthsary, birthday, pasko, bagong taon, araw ng mga puso at iba pang natatanging okasyon. Hanggang sa napuno na ang aking damitan ng mga inipong pakete. Hanggang sa napuno na siya ng mga pakete ng hinanakit, galit, lungkot, pagkasawa, at pagkawala ng pag-ibig. Hanggang sa ayaw niya na ng mga paketeng bagahe lamang sa kaniya. Hanggang sa naiwan ang mga pakete sa aking damitan na dating mahalaga’t espesyal ngunit ngayon ay tila mga naipong basura na lamang.

***

Nabasa ko ito kahapon nang ipaligpit sa akin ni mama ang mga gamit ko sa bahay: Metaphor Chaser, kaya mo ‘yan! Kahit anong mangyari, manalo ka man o matalo, mahal pa rin kita! Nakadikit pa ang note niya sa pakete ng Goldilocks Sliced Cakes. Double Dutch ang flavor nito. Bigay niya sa akin noong minsang sumali ako sa isang timpalak sa aming pamantasan. Mabuti’t hindi nilanggam ang mga pakete, lalo na iyong mga kendi at supot ng marshmallows na palaging sorpresang natatagpuan ko sa bag at may kasamang note na “RC21,” isang palatandaan ng aming pag-iisang diwa. Hindi naman na ako nagulat nang makita ito. Sa sobrang dami kasi ng mga naipong pakete o balat o supot ng kung ano-anong produktong binigay niya sa akin, naging pangkaraniwan na lamang ito. Tulad ng mga napapanood kong balita nitong mga nagdaang buwan: break na sina Ellen Adarna at Baste Duterte o nagde-date ulit sina Jennylyn Mercado at Dennis Trillo., NoKor missile tests condemned (by whom?), EJK (o state-sponsored killings), droga at mga buy bust operation, at Operation Tokhang. Karaniwan na lahat ng ito.

Ngunit ang hindi pangkaraniwan at hindi ko malilimot ay ang isang balita na hindi ko napanood sa telebisyon dahil late daw dumating ang GMA kundi nasaksihan mismo ng aking mga mata (at tainga): patay ay isang ama na nahulihan umano ng isang sachet ng hinihinalang shabu habang naglalakad sa eskinitang malapit sa amin. Binaril siya sa harap ng kaniyang binatilyong anak. Kawawa ang binata, sa isip-isip ko. Dahil lang sa isang “hinihinalang” pakete ng shabu, namatay ang kaniyang ama. Pinauwi muna ang binata sa probinsya upang maibsan ang trauma. Sino ba namang makalilimot sa tagpong pinatatakbo ka ng iyong ama upang iligtas ang iyong sarili mula sa hindi kilalang lalaking may hawak na baril? Paano tatakpan ang tainga sa nakabibinging mga putok na pumutol sa siklo ng paglabas-masok ng hangin sa ilong ng iyong ama habang walang nakaririnig sa mataginting mong paghingi ng tulong at pagsigaw? Lahat ng ito ay dahil sa lamang isang pakete ng hinihinalang droga. At ilan pa bang mga pakete ang nakulimbat sa mga hinihinalang tulak ng ipinagbabawal na gamot? Ilan pang ganitong tagpo ang pinagbulag-bulagan natin at hindi pinakinggan?

Hindi maalis sa isip ko ang tagpong iyon. Paulit-ulit. Tila isang aparisyong kagyat na dumarating sa isip. Nakikita ko ang isang binatang akay-akay ang isang duguang katawan, humihingi ng tulong sa gitna ng kabilugan ng buwan, sa ilalim ng sinag ng mga bituin. Ang kaibahan nga lamang, ako ang binatang iyon. Ako rin ang namatay. Ako ang naputulan ng hininga. Ako ang umaakay sa sarili kong katawan. At dahil din ito sa mga pakete. Tila natokhang din ako. Hindi maalis sa isip ko ang relasyon naming minsang nabansagang “huwag tularan” dahil sakit umano sa lipunan—bakla. Tulad ng isang tulak ng droga na nahuli sa isang buy bust operation na nahulihan ng mga sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, ecstasy, marijuana o kung ano pa man, ebidensya rin laban sa akin ang mga pakete, supot, plastic, o sachet na dahilan kung bakit nakakulong pa rin ako hanggang ngayon. Wala naman akong kasalanan. Ang tanging sala ko lang ay ang hindi paglimot, ang patuloy na pagsisilid sa mga ebidensyang ito.

***

Eksaktong isang taon at dalawampu’t limang araw na ang nakalilipas mula nang magsangandaan ang dating sabay naming paglalakbay. Naglalakad pa rin ako ngayon sa mga pamilyar na lugar na minsang naapakan na ng aking mga paa. Paminsan-minsan, tumatambay pa rin ako sa mga sulok na minsan na naming pinuwestuhan. Matapos ang ilang walang malay na paggunita at pagpapakawala ng mga buntonghininga, tatayo ako at lalakad na naman. Lilipat sa isa na namang pamilyar na lugar. Maraming nagkalat na pakete sa lansangan ngunit wala itong halaga. Ang mga pakete ko na galing sa kaniya, iyon ang mayroon. Bawat hakbang ay katumbas ng paggalugad sa inaasam na gamot sa mga sugat. Mabibigat ang mga hakbang. Tinatawanan ako ng aking mga pakete: hindi gagaling ang iyong mga sugat. Walang lunas hanggat pakete kaming nakasilid sa iyong kahon. Walang lunas hanggat bagahe kaming pasan ng iyong puso.

May taglay na alaala ang mga pakete. Kalakip nito ang mga ‘di malimot na tagpo, mga gunita, mga eksenang sa tuwina ay kagyat na walang malay na nagpapangiti sa akin. Ito ang sumpa ng pagsisilid ng mga pakete: nagdurugo ang aking dibdib. Umaagos ang pulang likido pababa sa aking mga paa. Pulang-pula sila. Habang patuloy ang aking pagkataranta, naririnig ko ang halakhak ng aking mga pakete. Ayaw ko na ng ganitong pakiramdam. Tama na.

Kaya umuwi ako sa bahay. Tinipon ang lahat ng mga pakete. Mula sa damitan, sa mga lumang notebook, sa dating bag noong second year college, at sa mga espesyal na kahon. Tama na. Alam kong sobra na ang bigat na dulot ng mga basurang ito. Basura lang kayo! Tao ako! Tama na. Inihanda ang lumang gasera, mabuti’t may kaunting gaas pa. Hinanap ang posporo. Lintek. Nasaan ang posporo? Lighter na lang. Wala rin. Lakas-loob akong nanghiram sa kapitbahay: ate Landa, may posporo ba kayo? Mabuti’t mayroon. Tama na. Simulan na natin ang makasaysayang seremonya. Iwinisik ang kaunting gaas. Tama na. Kiniskis ang palito sa kahon ng posporo. Tama na. Nagliyab ang palito. Dinig ko ang panaghoy ng mga pakete: huwag! Pakiusap, huwag! Parang awa mo na. Pakiusap sa sarili: huwag. Namatay ang liwanag sa dilim. Nabuhay ang mga buntonghininga. Bahala na muna. Paumanhin, sabay haplos sa dibdib. Dahil sa ngayon, batid kong kailangan ko pa ang mga basurang ito. Mahalaga pa rin sa akin ang mga paketeng ito.

***

May mga araw na sadyang hindi pangkaraniwan. Kagaya nitong huli, gumuhit siyang bigla sa gunita. Ni hindi ka man lang naabisuhang mataranta sa biglang pagpasok niya sa iyong alaala, kaya, wala kang nagawa kundi magpalamon sa lumbay at matulala. Makalipas ang ilang saglit, dagli kang babalik sa realidad. Magpapatuloy ka. Ngunit, darating muli ang hindi inaasahang dalaw. Isa siyang matamis na bangungot sa gabing pinahimbing ka ng matinding pagluha hindi ng mga mata kundi ng puso. Mapait. Pero masarap. May kakaibang sayang nadarama sa bawat pagkurot ng lungkot sa iyo. Hahanap-hanapin mo ito. Dadalawin kang muli. Babalik kang muli sa realidad. Dadalaw. Realidad. Paulit-ulit, gaya noong paulit-ulit mong pagkusot sa damit na hindi maalis ang mantsa. Nakalimutan mo ring ihiwalay ang puti sa de-kolor. At wala kang magagawa. Hahayaan mong manatili ang gayong saysay ng paulit-ulit na kasaysayan. At wala kang magagawa. Mananahan kang binabangungot nang nakangiti. At wala kang magagawa. Wala kundi ang magpatuloy. Dahil sa pagpapatuloy ka sabay na nagiging malungkot at masaya.

***

Ang sanaysay na ito ay lahok para sa taunang Saranggola Blog Awards.

 

Saranggola 336x280

ccp

deviceph

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

w

Connecting to %s