Ilang Kulay ng Isang Karatula

May kaunting alam naman ako
sa pagkukumpuni
ng sirang lababo,
kinalawang na gripo,
tuyong disyerto
sa nilumot na banyo.

Kailangan ko lang talaga.
Kailangang-kailangang
Kumpunihin ang sirang buhay
na nilumot ng panahon.
Para kay Selsa,
sa balak naming pamilya.
Kaya’t kailangang-kailangang
maghanap ng trabaho,
magbanat ng buto
sa kakarampot na suweldo.

Marunong ka ba?
Paano kapag
malakas ang tagas
ng tubo sa ilalim
ng di tiyak na ilang
metro,
ha?

Ilan pa bang mga usisa?

Malinaw naman ang karatula:
W A N T E D
Pula ang tinta
Ng tubero
Itim ang mga numero.


WANTED: Gumamela

Gabi na pala,
Ala sais y kwarenta.
Dagsa na naman
ang mga tao sa tagong plaza,
munting Divisoria.

Hinahagilap ka ng mga mata
sa malaki’t may pailaw
na karatula:
Halimuyak Grill and Bar
Hinahanap ang pamilyar
na kurba ng katawan,
inosenteng mukhang
agresibo ang galawan.

Dati namang
maaga kang
dumarating hanggang
bihagin ko ang walang
katulad mong baywang.

Madaling araw na.
Kung bakit wala ka pa?
Dati namang
maaga kang
dumarating hanggang
mauna kong bihagin ang
iyong mga baywang
bago silang
naghahanap lang
ng init at anghang?

Madaling araw na.
May bagong paskil na karatula.
Kailangan na nila
ng bagong
gumamela.


Caution ang Nakasulat sa Dilaw na Plastik na Karatula

Dumating na ang panahon ng paglisan at kapwa tayo naghiwalay ng landas;
ako para pumanaw, at ikaw para mabuhay.
- Socrates, BC 469-BC 399 (sa akin ang salin)

Nakalagak ang buhay ng mga patay sa gunita ng mga nabubuhay.
- Marcus Tulius Cicero, 106-43 BC (sa akin ang salin)

Wala akong kibo.
Nanginginig ako
sa takot.
Hindi naman
bagong taon
kung bakit
wala sa langit
ang di mabilang na putok.

Nakasandal ako sa poste,
pula at asul ang kulay
mula sa kotse.
Nagkalat na silang
naka-uniporme.

Dagsa na ang mga tao
sa eskinita
Humaba na ang dilaw na
na plastik na karatula:
C A U T I O N       POLICE      C A U T I O N      POLICE      C A U T I O N       POLICE
Mapanghalina ang babala.

Pusher ‘yan, panigurado.
Ayun, nakaipit sa dibdib
ang pakete ng shabu!
Kawawa naman, ang bata
pa niya, sayang pagkat
ni hindi ko man lang
natikman sa kama.

Nagpantig ang aking mga tainga.
Unti-unting
hinawi ko sila.

Sa wakas,
nakita ko rin
ang kanina ko pang
hinahanap na pamilyar
na kurba ng katawan
inosenteng mukhang
agresibo ang galawan.

Hindi ako gaanong marunong bumasa.
Ngunit kabisado ko ang kaniyang mga tanda:
nunal sa batok, mabuhok na hita
relikaryong luma,
mukha ng pagkabata.

Hindi ako marunong bumasa
ng mga salita
ngunit nabasa ko
ang duguan niyang mukha:
Nardo, sinta,
papunta na ko sa tagpuan
natin kanina
nang ako’y itinulak nila,
hindi ako nanlaban pagkat
hindi naman ako nagtutulak.
Nardo, sinta,
alayan mo ako
ng bagong pitas na gumamela
at maniwala ka,
hindi ako ang may sala.
Nagmamahal,
Selsa.

 

***

Ang mga tulang ito ay lahok para sa taunang Saranggola Blog Awards.

 

Saranggola 336x280

ccp

deviceph

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

w

Connecting to %s