Pag-ibig sa Isang Tasa ng Kape

Nagsimula ang lahat sa isang tasa ng kape.
 
Tinimpla natin ang sungit at lambing.
Tinimpla natin ang panahong magkapiling.
 
Hinihipan mo ang mainit na kape
Bago tikman kung tama na ang timpla
Balanse ang tuwa at hinagpis
dahil sakto ang pait at tamis.
 
At nagbilang tayo ng mga bituin sa langit.
Nagbilang tayo ng mga matatamis na salita.
 
Nagbilang tayo ng mga–
segundo
minuto
oras
araw
linggo
buwan
at taon.
 
At nagbilang tayo ng mga pagkakamali.
 
Hanggang sa napagod ka.
Hanggang sa napagod na rin ako.
Hanggang sa tuluyang napagod na tayong
magtimpla
ng kape
at timplahin
ang isa’t isa.
 
Hanggang wala nang humihip ng kape
at napaso ang ating mga labi.
 
Hanggang sa nilisan natin ang tahanang
sabay nating itinayo.
At naiwang kumukulo
ang tubig.
Kasabay ng pagkawala ng ating pag-ibig.
 
Wala na ang mga pangarap.
Subalit tapos na rin ang mga pagpapanggap.
 
Ngayon,
nakakatuwa
na makalipas ang maraming taon
ay muli tayong nagtagpo.
 
“Kumusta ka?”
“Heto, mabuti naman. Ikaw?”
“Ayos lang din.”
 
At sabay tayong nagtawanan.
Nakakatawa.
Nagtapos ang lahat sa malamig na pagtawa.
 
“Paalam.”
“Paalam.”
 
Mainit.
Malamig.
Sana ay uminom na lamang tayo ng kape.
Pwedeng mainit.
Pwedeng malamig.
Pwedeng matamis.
At pwede ring mapait.
 
Ah, hindi na pala maaari.
Dahil hindi na ako marunong magtimpla
ng kape
at ng pagmamahal.
 
Hindi na.
Hindi na.
 
Kaya pala.
Ngayon, alam ko na.
Na ang pagsinta ay pag-aaral ng pagtitimpla.
Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s